National News
Terror plot laban sa mga Israeli sa bansa, nadiskubre ng PNP
Natuklasan ng Philippine National Police (PNP) ang umano’y pagtatangka ng Hamas, isang grupong nakabase sa Middle East na maghasik ng kaguluhan sa Pilipinas.
Sa ulat kay PNP director for Intelligence Major General Michael John Dubria ni Intelligence Group chief Brigadier General Neil Alinsangan, sinabi nito na isang local contact ng Hamas ang nagbigay ng tip sa kanila tungkol sa umano’y plano.
Isang Fares Al Shikli alyas Bashir ang umano’y nagre-recruit ng mga Pilipino para sumapi sa kanilang grupo.
Si Al Shikli ay head ng Foreign Liaison Section ng Hamas at nasa Interpol Red Notice dahil sa pagkakasangkot sa terorismo.
Ilang beses umanong nagtungo ang nasabing source sa Malaysia mula 2016-2018, kung saan nakipagpulong ito kay Al Shikli upang talakayin ang posibilidad ng pag-atake laban sa mga Israeli sa bansa kapalit ng tulong pinansyal ng Hamas.
Nabatid na hindi ito ang unang pagkakataon na sinubukan ng Hamas na magsagawa ng aktibidad sa bansa.
Enero 2018, isang Iraqi scientist na kinilalang si Mohammad Al Jabori na kaanib ng grupo ang naaresto sa Pampanga at kalaunan ay ipina-deport ng Bureau of Immigration (BI).
Tiniyak ni Alinsangan na hindi magtatagumpay ang plano ng mga terorista dahil sa mga ginagawang hakbang ng pulisya at militar.