National News
Test, trace, treat mas palalakasin ngayong MECQ – Palasyo
Papalakasin ng pamahalaan ang test, trace treat strategy laban sa COVID-19 sa 2 linggong pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ).
Ito ay ipatutupad sa Metro Manila, Bulacan, Cavite, Laguna at Rizal.
Ayon kay Presidential Spokesman Secretary Harry Roque, mas palalakasin ngayon ng pamahalaan ang Testing, Tracing at Treatment efforts kontra Coronavirus Disease 2019 (COVID-19).
Kasabay nito, sinabi ni Roque na mahigpit ding ipatutupad ang localized lockdowns bagama’t nasa MECQ.
Tatawagin aniya itong hard lockdown kung saan paiigtingin ang test, trace, at treat habang naghahanda rin ng karagdagang isolation facilities.
Maliban dito, magdaragdag din ng maraming medical workers ang national government para makapagpahinga ang mga manggagawang pangkalusugan na kasalukuyang nangunguna sa laban ng bansa sa pandemya.
Inilahad ni Roque na Ang nasabing health frontliners ay magmumula sa mga lugar na mababa ang kaso ng Coronavirus sa labas ng National Capital Region (NCR) at ang apat na probinsiya ng region IV-A.
Sinabi pa ng kalihim na tututukan din ng gobyerno ang Oplan Kalinga upang mas mapababa pa ang transmisyon ng virus sa mga komunidad.
Samantala, nanindigan ang palasyo na hangga’t mababa ang bilang ng naitalang fatalities dahil sa COVID-19, ay tama ang ginagawa ng pamahalaan sa pagresponde laban sa pandemya.
Inihayag ng palace spokesman na ang pagshift muli sa MECQ ay hindi nangangahulugan na pag-amin ng pamahalaan sa kabiguan pagdating sa COVID-19 response.
Sa halip, ito aniya ay pakikinig at pagtugon sa panawagan ng mga medical frontliner tulad ng mga doktor at nurse.
Ipinunto ni Secretary Roque na isang hakbang tungo sa tamang direksyon ang pagbabalik sa mas istriktong quarantine measures sa Mega Manila dahil magpapabagal ito sa reproduction rate ng transmission.
