National News
‘The Big One’, banta sa 33K buhay sa Metro Manila — PHIVOLCS
Matapos ang pagtama ng 7.7-magnitude na lindol sa Myanmar at Thailand, binigyang-diin ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (PHIVOLCS) ang kahalagahan ng mas pinaigting na paghahanda ng mamamayan sa Pilipinas, lalo na sa banta ng ‘The Big One.’
Ayon kay PHIVOLCS Director Teresito Bacolcol, may posibilidad na maranasan ng bansa ang lindol na higit pa sa 7.7 magnitude, tulad ng mga naitalang malalakas na pagyanig noong 1990 at 1976 na kumitil ng libu-libong buhay.
Bagama’t mas handa na ngayon ang Pilipinas, ayon sa PHIVOLCS, nananatili pa ring hamon ang kahinaan ng ilang imprastraktura sa Metro Manila, kaya’t mahalaga ang retrofitting ng mga gusali at tulay.
Batay sa pag-aaral ng PHIVOLCS, Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), at Japan International Cooperation Agency (JICA), tinatayang aabot sa 33–K ang maaaring masawi sa Metro Manila kung tatama ang ‘The Big One.’
Dahil dito, pinapayuhan ang bawat pamilya na magkaroon ng evacuation plan, alamin ang mga emergency exit, at maghanda ng emergency kits na may pagkain, tubig, gamot, at iba pang mahahalagang kagamitan.
Bukod dito, ipinapayo rin ang pagsasanay sa tamang earthquake response gaya ng Drop, Cover, and Hold.
Patuloy ding mino-monitor ng PHIVOLCS ang anim na trenches sa bansa na may kakayahang magdulot ng malalakas na lindol at tsunami, kaya’t higit na kinakailangang maging handa ang lahat.
