National News
Tone-toneladang puslit na puting sibuyas, hinarang sa Maynila – BPI
Tone-toneladang puting sibuyas ang nadiskubre ng Bureau of Plant Industry (BPI) at Bureau of Customs (BOC) ang dumating sa pantalan sa South Harbor sa Maynila.
Ang sako-sakong puting sibuyas na ito ay nagmula pa raw sa bansang Tsina at napag-alamang smuggled dahil wala itong kaukulang permit mula sa nabanggit na ahensya ng pamahalaan.
Inalerto ng BPI ang BOC kung saan agad namang nagpalabas ng hold order para masuri at kumpiskahin ang mga iligal na produkto.
Tinatayang aabot sa 25 metriko tonelada ng sibuyas ang nasabat na nagkakahalaga raw ng P3.5 milyon.
Ayon kay BPI Director Glenn Panganiban, posibleng iba ang may-ari ng mga smuggled puting sibuyas na ito kumpara sa ni-raid noon na warehouse sa Navotas City.
“Pinarating nila ‘yun ay yellow onions na mayroon din pong kasamang carrots at mayroon pa pong ibang gulay . Well, hindi po ‘yun dumaan sa amin. Hindi po ito registered sa atin sa Plant Industry.”
“Hindi siya safe, hindi siya pasado sa pesticide residue level kasi mataas masyado or ‘yung kanyang microorganism content ay hindi ganun kaganda o hindi kanais-nais na microorganism ang nandoon.”
Punto ni Panganiban, tanging ‘yung may importation permit lang ang maaaring mag-angkat ng puting sibuyas.
“Ang estimated po natin na pagdating ng onions to make sufficient ‘yung ating suplay hanggang December ay humigit-kumulang nasa 16,000 metric tons.
Kasi, sa yellow onions ang ating consumptions monthly ay nasa 4,000 metric tons. So, from September, October, November, December so 4 months times 4,000 metric tons around 16,000.
So, nagsimula siya last week of August ‘yung ating pagbigay ng SPSIC kasi ang gusto ni Secretary ay very predictable ‘yung ating supply at tsaka talaga mayroon tayong kumbaga buffer syempre to holiday seasons.”
Sa ngayon, may dumating na raw na halos 8,000 tonelada na puting sibuyas sa bansa.
Makatutulong daw ito upang tugunan ang posibleng kakulangan sa suplay ng puting sibuyas na maaaring dahilan na naman ng pagsirit sa presyo nito.
Nilinaw nito na walang dahilan ngayon na tumaas ang presyo sa puting sibuyas habang sapat naman ang suplay ng pulang sibuyas hanggang sa susunod na taon.
“Hindi naman kasi by January or early ano mayroon na rin tayong suplay kumbaga papasok na ‘yung harvest ng onions natin. So, hopefully hindi tamaan ng malaki talagang bagyo o sakuna.”
May panawagan naman ang ahensya sa publiko.
“Huwag kayo bastang magko-konsumo na hindi kayo sigurado kung ano ang inyong bibilhin. Kaya, nandito tayo sa BPI sa Plant Industry at ahensya ng DA para magmasid at mag-test o monitor ng ating mga produkto sa merkado para mapanatili nating safe at kumbaga ma-assure natin ang public na ang ating kino-consume ay safe na mga produkto,” pahayag ni Panganiban.