National News
Travel funds ng OP sa panukalang 2025 nat’l budget, P1.054-B
Pumalo sa P1.054 billion ang proposed allocation para sa travel expenses sa ilalim ng Office of the President.
Ito ay P94 million o walong porsyentong pagbaba kumpara sa 1.148 billion pesos alokasyon sa 2024 General Appropriations Act.
Ayon ito kay Department of Budget and Management (DBM) Sec. Amenah Pangandaman.
Aniya, “Kung makikita po natin dito sa proposal nila siguro may nabawasan po silang travel both local and foreign.”
“Parang na-explain ko naman po dati together also with DTI and kami rin po sa economic team – we still continue to go out and parang kumbaga we market the Philippines as an investment destination – tuluy-tuloy po iyan,” dagdag pa nito.
Marami raw sa mga Pilipino ang nagsasabing hindi nila ramdam ang ipinangakong magandang hatid ng mga naiuwing investment pledges mula sa foreign trips na ito.
Sa kabilang dako, iniulat naman ng DBM na tumaas ang budget spending o paggamit at paggastos ng pondo ng mga ahensya ng pamahalaan para sa unang semester ng 2024.
Inilahad ng DBM principal economist na si Joselito Basilio na 14 na porsiyentong mas mataas ang actual spending ng gobyerno ngayong taon kumpara noong 2023.
Kabilang sa mga tinukoy na may pagtaas ng budget utilization ay ang Department of Public Works and Highways (DPWH), Department of National Defense (DND), Department of Social Welfare and Development (DSWD) gayundin ang Commission on Elections (Comelec).