Regional
Umanoy 37 pulis Davao na nagpositibo sa iligal na droga, fake news – PNP PIO
Hindi mga pulis kundi pawang mga sibilyan ang nagpositibo sa paggamit ng iligal na droga sa Davao City.
Ito ang naging paglilinaw ng Philippine National Police (PNP) kasunod ng kumalat na fake news na mayroong 37 tauhan ng Davao City Police Office ang umano’y gumagamit ng iligal na droga.
Ayon kay PNP Public Information Office (PIO) Chief, PCol. Jean Fajardo, batay sa ulat ng Police Regional Office (PRO) 11, lumalabas na hindi mga pulis kung di sibilyan ang nahuling gumagamit ng droga.
“Gusto lamang po natin i-correct ito pong report na ito na ang nag-positive po sa drug test ay mga civilian employee po ng LGU po ng Davao. Hindi po PNP members ang mga ito. Nakausap ko po ‘yung Police Regional Director po ng Police Regional Office 11 and in fact hindi po ‘yung ating forensic group ang nag-conduct ng drug test dahil ito po ay mga civilian employee, gusto lang po natin i-correct po ‘yun,” ayon kay Fajardo.
Una nang kinondena ng Davao City Police Office ang anito’y pagpapakalat ng fake news mula sa isang istasyon ng radyo hinggil sa usapin na nagdudulot ng hindi magandang epekto sa imahe ng pulisya.
Sa katunayan, nang sumailalim sa drug test ang lahat ng Davao City personnel, lumabas na negatibo naman ang resulta ng mga nito.
Sa kabila ng paglilinaw, pinatulan ni Surigao del Norte Rep. Rober Ace Barbers ang isyu kasabay ng plano nitong pagsiyasat sa hanay ng Pambansang Pulisya.
Sa huli, nakikiusap ang Davao City Police Office sa publiko na itigil na ang pagpapakalat ng peke, mga mali at malisyusong balita na nagdudulot ng duda at maaaring makaapekto sa tiwala ng kanilang publiko.
Kasabay nito ang pagsisiguro na prayoridad mismo ng Davao City Police ang pagpapatupad ng programa at kampanya para siguruhing ligtas ang mamamayan ng Dabaw.