National News
Umano’y dismissal ng mga kasong kriminal vs. KAPA, fake news – SEC
Pinabulaanan ng Securities and Exchange Commission (SEC) ang ‘fake news’ na kumakalat sa internet na dismissed o pinawalang saysay na umano ang mga kasong kriminal laban sa Kapa-Community Ministry International (KAPA).
Sa advisory na inilabas ng SEC, binigyang-diin ng Komisyon na ang mga kasong kriminal laban sa KAPA ay nananatiling nakabinbin sa mga korte; nanatiling din ang kasong syndicated estafa laban kay KAPA Founder at President Joel Apolinario, kasama ang iba pang opisyales ng organisasyon.
“To set the record straight, on the contrary, all cases filed by the Securities and Exchange Commission against KAPA have not been dismissed but are still pending in various courts.” Mula sa advisory ng SEC.
Ayon sa SEC, nagpapakalat ang mga supporters at promoters ng KAPA ng YouTube videos; kung saan sinasabi ni Apolinario na dismissed na ang fraud charges laban sa KAPA. Dagdag pa rito, wala umanong bisa ang ‘cease and desist’ order ng Komisyon.
Makikita ang mga naturang videos sa YouTube Channel ni Bong Cagape.
Mayroon iba pang videos na kumakalat sa internet na kaparehang nagkakalat ng pekeng balita. Ilan na rito ay sina Danny Mangahas at Roger Camingawan na nagsabing ang CDO ng Komisyon ay walang bisa umano.
Ayon sa SEC, binigyan lamang ng ‘conditional at temporary liberty’ si Apolinario; kasama ang isang trustee ng KAPA na si Margie Danao at Corporate Secretary Reyna Apolinario matapos makapag-bail.
Pero nilinaw ng Komisyon na nananatili ang bisa ng CDO; habang ang certificate of incorporation ng KAPA ay na-revoke na rin noong Abril 2019 pa.
Matatandaang, una nang kinasuhan ng Department of Justice ang KAPA dahil sa investment scam na pinalalaganap nito sa bansa; habang nahaharap naman si Apolinario sa non-bailable syndicated estafa sa Cagayan de Oro City Regional Trial Court Branch 21.
