National News
Underspending at hirit na dagdag pondo para 2024 budget ng DICT, sinita sa Senado
Hindi pinalagpas ni Senador Grace Poe ang Department of Information and Communications Technology (DICT) kaugnay sa hinihingi nilang dagdag na pondo para sa taong 2024.
Sa pagdinig sa panukalang 2024 budget ng DICT, ay lumutang na ang dami ng pondong hinihiling gayung mabagal ang paggastos nito sa kanilang pondo para sa taong 2023.
Sa report ng financial performance ng DICT para sa 2023, sinabi ni Undersecretary Heherson Asiddao sa Senate Subcommittee on Finance na hanggang nitong September 15, aabot pa lang sa 25% ng kanilang P13.9-B ang kanilang budget utilization rate.
Pero paliwanag naman niya na target ng ahensya na umabot sa 28% ang budget utilization sa katapusan ng Oktubre, 60% pagsapit ng Nobyembre at 70% hanggang Disyembre.
Samantala, para sa taong 2024 ay hinihiling ng DICT na dagdagan ng P5.6-B ang panukalang P9.8-B na budget ng ahensya at mga attached agencies nito.
Ito ay gagamitin ng DICT para sa operational expenses, regional offices at personnel, pagpapagawa ng opisina ng DICT, development plan, e-government system development program, cybersecurity, at ICT industry development.
Ang paghingi ng malaking pondo para sa susunod na taon sa kabila nang mabagal nilang paggastos sa taong kasalukuyan ay sinita naman ni Poe.
Duda rin si Poe sa pahayag ng DICT na maiangat sa 70% ang budget utilization rate sa pagtatapos ng taon gayung pumasok na ang “ber months”.
Hirit ng senadora, ang paggastos sa pondo muna ang dapat na aksyunan ng DICT gayundin ang mga utang na hindi pa nito nababayaran.
