National News
Upgrade sa kapasidad ng PAGASA, isinulong sa Senado
Hinikayat ni dating Senate President Juan Miguel “Migz” Zubiri ang gobyerno na gawing prayoridad ang pag-upgrade ng Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) para sa mas maayos at napapanahon na weather forecasts.
Sa katunayan, ayon kay Zubiri, may mga kakilala siyang piloto na mas may tiwala sa forecast ng ibang bansa kumpara sa PAGASA.
Sa budget hearing ng Department of Science and Technology (DOST) sa Senado, sinabi ni Zubiri na kailangan aniya ito para maprotektahan ang buhay ng mga tao at makaiwas sa epekto ng kalamidad. “I can’t believe it na andaming namatay dahil sa bagyong Enteng, dahil sa baha. It is a failure for me. Again, napakasakit, it is a failure of us to inform the people about the weather, and it is a failure of us, as a government, to warn them about the geohazard areas.”
Batay sa datos ng 2024 World Risk Report, kabilang ang Pilipinas sa pinakamadalas na tinatamaan ng kalamidad mula sa 193 mga bansa.
Kaugnay nito, sa pagdinig nga ay ikinalungkot ni Zubiri na dahil sa kakulangan sa weather forecasting ng bansa ay maraming buhay ang nawawala tuwing may bagyo, gaya ng pananalasa ng bagyong Enteng kamakailan.
Dahil din aniya sa hindi eksakto na weather forecast ay apektado ang pag-aaral ng mga estudyante dahil sa mga pagsususpinde ng klase. “It really boggles the mind, and it happens a lot, that school is called off on a particular day, tapos napakainit sa labas, walang ulan.”
Dagdag din ni Zubiri, dahil sa maling pagtantsa ng panahon ay apektado rin ang trabaho sa nasyonal at lokal na gobyerno pati na rin sa ilang pribadong kumpanya sa loob ng ilang araw.
Ito ay nagdudulot ng negatibong epekto sa ekonomiya.
Sa naturang budget hearing ay ibinunyag na rin ni Zubiri na nasa 11 lamang sa 19 na Doppler radars ng PAGASA ang gumagana.
Ang Doppler radars ay kritikal na kagamitan para sa pagsubaybay sa ulan, bagyo, at thunderstorms.
Sinabi ng senador, ang kakulangan sa kagamitan na ito ay nagpapahirap sa PAGASA na magbigay ng tumpak na impormasyon sa panahon.
Dahil dito, upang mapunan ang mga kakulangan ay nanawagan na si Zubiri na dagdagan ang budget ng PAGASA.
Para sa taong 2025, P49.253B ang orihinal na proposed budget ng PAGASA ngunit P28.772B lamang ang naaprubahan para sa National Expenditure Program (NEP).
Mas mataas lamang ito ng P290.915M mula sa budget ng nakaraang taon.
Si Zubiri ang magdedepensa sa budget ng DOST kapag isasalang na ito sa senate plenary.