Regional
Viral na resort sa Chocolate Hills, hindi accredited ng DOT
Umani ng samu’t saring batikos mula sa netizens ang video ng isang resort na matatagpuan mismo sa paanan ng Chocolate Hills sa Sagbayan, Bohol.
Ilang mga netizen ang nagpahayag ng pagkabahala sa magiging epekto ng operasyon ng Captain’s Peak Resort sa natural na kagandahan ng Chocolate Hills.
Tanong pa ng iilan na kung paano napayagan ang pagpapatayo ng nasabing resort sa isang UNESCO Global Geopark.
Ayon sa Department of Environment and Natural Resources (DENR), nag-isyu na sila ng Temporary Closure Order laban sa resort noong ika-6 ng Setyembre nakaraang taon at Notice of Violation noong ika-22 ng Enero ng 2024 dahil sa pag-operate na walang Environmental Compliance Certificate.
Sa panig naman ng Department of Tourism (DOT), sinabi nito na hindi accredited ang resort at wala ring aplikasyon para sa accreditation.
Nakipag-ugnayan na rin umano ang DOT sa panlalawigang pamahalaan ng Bohol sa pamamagitan ng regional office nito mula pa noong Agosto nakaraang taon ukol sa nasabing isyu lalo na ang kahalagahan na maipreserba ang intergridad ng nasabing likas-yaman.
Sa huli sinabi ng ahensya na bagama’t mahalaga ang pag-unlad sa progreso ay dapat itong isagawa na may pagkakaisa sa pangangalaga sa kalikasan at kultura.
Sa isang pahayag, sinabi naman ni Bohol Governor Erico Aris Aumentado na nagsawa na ng imbestigasyon ang kanilang Sangguniang Panlalawigan Committee on Environment hinggil sa resort mula pa noong Setyembre ng 2023.
Ayon kay Aumentado na bilang mga tagapangalaga ng lalawigan, hindi nila puwedeng hayaang magpatuloy ito.
Aniya, humiling na sila sa DENR at sa Protected Area Management Board na baguhin ang kanilang patakaran hanggang sa punto na ang anumang pagpapaunlad sa loob ng lugar ng Chocolate Hills na hindi tugma sa pagtatalaga ng UNESCO sa Bohol bilang Global Geopark ay dapat ipagbawal.
Aniya ipinarating na rin nila sa DENR ang nasabing isyu para sa malinaw na gabay at direksyon.