National News
VP Duterte, nasa Malaysia para sa kaniyang mandato bilang SEAMEO Council president
Dumating si Vice President at Education Secretary Sara Duterte sa bansang Malaysia nitong Lunes ng gabi, ika-12 ng Pebrero.
Makikipagpulong si Vice President Duterte sa ilang opisyal ng gobyerno sa nasabing bansa para tuparin ang kanyang mandato bilang pangulo ng Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) Council.
Kabilang na rito sina Malaysian Minister of Education Fadhlina Sidek at Deputy Prime Minister, Dato’ Sei Fadillah Yusof.
Bibisita rin si Vice President Duterte sa SEAMEO Regional Center of Excellence sa Malaysia.
Tutungo rin ang pangalawang pangulo sa Setapak Vocational College, isang polytechnic college na pinapatakbo ng Ministry of Higher Education ng nasabing bansa.
“Gusto niya pang makita pa kung paano tayo matuto from that. And also in the line with Department of Educations ‘yung MATATAG Curriculum na finofocus yung hindi lang ang kagalingan sa academics tsaka sa technical skills kundi pati rin sa resilience, inclusivity, at tsaka civic mindedness,” ayon kay Embassy of the Republic of the Philippines Kuala Lumpur, Ambassador, Maria Angela Ponce.
Samantala, magkakaroon naman ng meet and greet si Vice President Duterte sa mga Pilipino sa Malaysia.
“It’s just sit down dinner, dinner kasama sila. And of course, I’m sure, usual na kamustahan sa mga kababayan kasi napansin ko excited iyan sila kapag mayroong mga Pilipino na bumibisita sa kanilang lugar. And siyempre ang kanilang mga issues and concerns as Filipinos working abroad,” ayon naman kay Vice President Sara Duterte.
Ayon pa kay Vice President Duterte na kaniyang ipapaabot ang mga mensahe ng pagmamahal sa mga OFWs sa Malaysia mula kay Pangulong Bongbong Marcos at dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Tinatayang nasa 180-K na mga Pinoy ang kasalukuyang nasa Malaysia kabilang ang mga professional, skilled workers, laborers, at household workers.
Binigyang diin naman ni ambassador ang kahalagahan ng pagbisita ni Vice President Duterte sa Malaysia.
“Ngayong 2024 we are celebrating the 60th anniversary of Philippines-Malaysia bilateral relations. Para sa mga Filipinos na nandito sa Malaysia we are very proud na that the Vice President is able to come here to represent us. And hindi lang bilateral kung bilang President ng Southeast Asian Ministers of Education Organization Council President Council,” dagdag pa ni Maria Angela Ponce.