National News
VP Duterte, pinasalamatan si PBBM at ilang opisyal ng gobyerno sa pagdepensa sa 2022 CF ng OVP
Sa kaniyang statement na inilabas nitong Lunes ng umaga, ika-11 ng Setyembre, pinasalamatan ni Vice President Sara Duterte si Executive Secretary Lucas Bersamin para aniya sa isang detalyadong paglalahad ng mga katotohanan tungkol sa 2022 confidential fund (CF) ng Office of the Vice President (OVP) at pagpapaliwanag na ang kahilingan, pag-apruba, at paggastos ng pondo ay walang nilabag na batas.
“Thank you to Executive Secretary Lucas Bersamin for a detailed presentation of facts about the 2022 OVP CF and elucidating that the request, approval, and spending of the fund violated no law, which is diametrically adverse to what critics have been repeatedly harping,” ayon kay Vice President Sara Z. Duterte.
Pinasalamatan din ni Vice President Duterte si Defense Sec. Gilbert Teodoro para sa pagtataguyod ng paglikha ng Vice Presidential Security and Protection Group, na sinasaway ang mga indibidwal at grupo na nagtatanim ng matinding poot laban sa mga institusyong inatasang tiyakin ang kapayapaan at seguridad.
“Thank you to Sec. Gilbert Teodoro of the Department of National Defense for upholding the creation of the Vice-Presidential Security and Protection Group, rebuking individuals and groups that harbor strong animosity against institutions tasked to ensure peace and security,” dagdag pa ng bise presidente.
Nagpaabot din ang pangalawang pangulo ng kaniyang pasasalamat kay Marikina 2nd District Rep. Stella Quimbo dahil aniya sa sa matapang at makatuwirang pagharap ng opisyal sa grupo ng mga indibidwal na gumagawa ng kasinungalingan.
“Thank you to Rep. Stella Quimbo of the Second District of Marikina for bravely and rationally facing a gang of individuals who had successfully mastered the art of fabricating lies,” ani Sara Duterte.
Ang mga pagsisikap na ito ayon kay Vice President Duterte ay kaniyang pinahahalagahan dahil nakakatulong ang mga ito na kontrahin ang mga kasinungalingang sinabi ni Rep. France Castro at ang Makabayan Bloc sa Kongreso ukol sa confidential funds ng OVP noong 2022.
Mensahe naman ng pangalawang pangulo para kay Senator Risa Hontiveros na habang nililibang niya ang bansa sa kanyang likas na talino sa pagdadrama ay walang magawa kundi ang hilingin na sana ay iligal ang paggamit ng nasabing pondo.
Iginiit ng Vice President Duterte na isang kahihiyan na hindi pa rin sila makapagpakita ng anumang ebidensya upang suportahan ang kanilang maruming imahinasyon.
“It’s a shame they still cannot produce any proof to support their dirty imagination.”
Dagdag ni Vice President Duterte na sapat na sana ang inis na idinulot nila sa Kongreso at Senado para hindi sila bigyan ng seryosong atensyon.
“The indignity they have caused Congress, and the Senate should be enough for us not to give them serious attention,” saad pa nito.
Ngunit naniniwala ang pangalawang pangulo na ang mga kasinungalingang ipinapahayag nila sa publiko ay tuluyang mawawala at ang OVP at DepEd ay magpapatuloy, sa pagkamit ng kanilang mga adhikain para sa mga Pilipino at sa bansa.
“But I believe the lies they peddled to the public will eventually lose their charm and the OVP and DepEd will persist, be vindicated, and realize their aspirations for the Filipinos and the country,” sa pahayag pa nito.
