National News
VP Sara Duterte, binara si Sen. Hontiveros
Naging mainit ang pagdinig ng Senate Committee on Finance hinggil sa panukalang badyet ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2025.
Ito’y matapos kwestyunin ni Risa Hontiveros ang mga programa ng OVP dahil aniya, existing na rin ito sa ibang ahensya ng gobyerno gaya ng medical and burial assistance, livelihood program na Mag Negosyo Ta ‘Day, at disaster relief program.
Sagot ni VP Sara Duterte, ang mga nasabing programa ang pangunahing hiling ng mga Pilipinong dumudulog sa kanyang tanggapan. “Totoo po mayroong mga ibang local government units at ibang national government agencies na ganito po ang kanilang programa pero noong ako po ay umupo as vice president, I took an oath and doon sa oath, I said I will do justice to every man. So, hindi po kami pwedeng humindi sa mga taoong humihingi ng tulong lalong lalo na ay kaparte ng gobyerno ang Office of the Vice President.”
Tinanong ni Hontiveros kung okay lang ba na ilaan na lamang ang hinihinging budget ng OVP sa line agencies at doon nalang mag-request ng allocation ang tanggapan ni VP Sara.
Tugon dito ni VP Sara, “Kapag mayroon kaming ni-rerefer o binibigyan ng endorsement ng AICS sa DSWD, kadalasan po na sagot sa amin ay hindi pwede dahil galing iyan sa Office of the Vice President at kalaban iyan. Minsan po, totoo iyan, napopolitika ang assistance para sa ating mga kababayan.”
So, I go back to the oath that I shall do justice to every man. Kaya po kami nandito at kaya po kami may ganitong mga projects sa Office of the Vice President.”
Hindi pa nakuntento ay inusisa din ni Hontiveros ang badyet na inilaan ng OVP para sa mga librong isinulat ni VP Sara na ipamamahagi sa mga estudyante kasabay ng PagbaBAGo bags na may lamang school supplies at dental kits.
“This is an example of politiscizing the budget hearing through the questions of a senator. Ang problema niya kasi, nakalagay yung pangalan ko doon sa libro at ang libro na iyan, ibibigay namin sa mga estudyante- ng mga bata- at ‘yung mga bata na iyan, may mga magulang na boboto at ang pangalan ko ay nagkalat kung saan man ibibigay yung libro.” ani pangalawang pangulo.
Dito, sinabi na ni Hontiveros na hindi niya raw nagustuhan ang sagot ni VP Sara.
Sinabi pa nito na hindi niya maintindihan ang ugali ng pangalawang pangulo, punto na ibinalik din ni VP Sara sa kanya. “Hindi ko rin maintindihan ang ugali ni Senator Risa Hontiveros and I do not appreciate- ano yung sinabi niya (Hontiveros)?- I do not appreciate this kind of behavior and attitude.”
Binalikan na rin ng pangalawang pangulo ang pagkakataon na humingi ng tulong si Hontiveros sa kanya noong tumatakbo ito sa pagka-senador taong 2016.
Sa katunayan, ani VP Sara, nakiusap sya sa isang kongresista noon para suportahan lang ang senadora.
Sa kabila ng halata namang pamumulitika ni Hontiveros, lusot na sa Senate Committee on Finance ang panukalang badyet na P2.03B ng OVP para sa taong 2025 at isusumite na ito sa plenaryo.