National News
VP Sara Duterte, hindi magbibitiw sa pwesto
Kinumpirma ni Vice President Sara Duterte na siya ay nasa Calaguas Island noong Lunes, Setyembre 23, 2024.
Dito nga raw niya nakita ang problemang kinakaharap ng mga residente tulad ng kawalan ng access sa medical care, maayos na internet, at maging sa kuryente.
Pero pinasinungalingan niya ang balitang nandun pa siya sa nasabing isla habang isinasagawa ang budget deliberation ng Kamara alas-10 ng umaga noong araw na iyon.
“Nabasa ko naman ‘yung report ng Philippine National Police. Accurate naman. Tama yun lahat ang report nila.
“6:32AM nang umalis ako doon sa Calaguas ng Monday. 6:32 ng Monday umalis ako doon.
“Ang budget hearing started 10:00AM so tama din ako. Walang budget hearing na nangyayari at 6:32 Am.
“Walang congressman na magigising ng 6:32AM para magtrabaho. Ang gumagawa lang ng ganiyang ay ang mga executives na hindi natutulog para magtrabaho.”
Dahil sa hindi pagdalo ng pangalawang pangulo sa mga deliberasyon ng Kamara kaugnay sa P2 bilyong panukalang budget ng Office of the Vice President sa 2025, pinagbibitiw siya sa pwesto ng ilang mamababatas partikular ng mga ‘young guns’ ng Kamara.
Aniya, “Hindi ako aalis dito dahil nilagay ako ng mga tao dito believing that I work for the country and that is what we did we worked.”
“Hindi naman kasi ako sasagot sa young guns dahil kailangan ko sumagot sa 32 million na bumoto sa akin, hindi sa isa or dalawa na tao.”
Una nang ipinaliwanag ni VP Duterte ang kaniyang desisyong hindi dumalo sa mga budget hearing ng Kamara.
Aniya, dalawang tao lang naman kasi ang nagdedesisyon sa pondo ng Pilipinas sina Zaldy Co at Martin Romualdez.
Matatandaang sumulat din ang bise kay Lanao del Sur Representative Zia Adiong at sinabing ipinauubaya na ng OVP ang kanilang panukalang budget sa desisyon ng Kamara.
Kinumpirma naman ng bise na dadalo siya sa pagsalang ng panukalang 2025 OVP budget sa plenaryo sa Senado.
Naghihintay na lamang siya ng schedule.
Pero nanganganib na matapyasan ang ₱2.037 bilyong panukalang budget ng OVP.
Matatandaan na mahigit P733 milyon na lang ang inirerekomenda ng House Committee on Appropriations para sa budget ng OVP sa susunod na taon.
Pero hindi na umaasa si VP Sara na makukuha nila ang ipinanukalang budget.
“Pero wala na kaming expectation na mahabol pa ‘yan kasi nga, sinabi ko, doon sa interview ko, pagdating sa Bicam, kung saan nandoon na ‘yung dalawa—the Senate and the House of Representatives—wala ding nasusunod doon except si Zaldy Co at si Martin Romualdez.”
Tiniyak naman ni VP Sara na hindi makakaapekto sa mandato ng kaniyang tanggapan ang anumang halaga ng budget na posibleng ibigay sa kanila.
“Sa P700 million, we will see kung ano ‘yung maiwan then we will work around that budget of the Office of the Vice President pero definitely tutuloy pa rin yung trabaho anuman ang budget.”