National News
VP Sara Duterte, kakasa sa hair follicle drug test
Sinabi ni Vice President Sara Duterte ang kaniyang kahandaan na sumailalim sa hair follicle drug test sa isang ambush interview sa Davao City.
Kasunod ‘yan ng naging hamon ni dating Presidential Spokesperson Atty. Harry Roque sa kaniya at kina Davao City Mayor Sebastian Duterte at Congressman Paolo Duterte para sila ay maging ehemplo ng mga nasa gobyerno.
Hamon ni Roque, “Dahil nanggaling ang panukalang batas kay Congressman Pulong Duterte, hinihimok rin ang pamilya Duterte, mauna na kayo.
“Miski wala pong batas, pwede naman po kayong magboluntaryo para mapakita niyo sa taumbayan na dahil kayo ang humihingi ng mandatory drug test wala rin kayong tinatago.
“So ang aking panawagan VP Sara, mahal kita, pero kinakailangan magsibili kang ehemplo. Mauna ka na magpahair follicle test at isama mo na yung dalawa mong kapatid.”
Sabi ni VP Sara na aayusin niya ang schedule ng kaniyang pagpapatest. Dapat din aniya ay may third party na kasali sa testing at hindi lang isang laboratory para masiguradong ma-validate ang mga resulta.
“Nababasa ko na yung panawagan ng mga tao at aayusin na lang natin kung kelan yun. Dapat may third party na kasali doon sa testing at hindi lang isa ang laboratory para sure tayong naba-validate yung results. Gawin natin yung drug test,” pahayag ng pangalawang pangulo.
Sa inilabas na statement ni Roque, nagpapasalamat siya sa mabilis na pagpayag ng pangawalang pangulo sa kaniyang hamon na sumailalim sa hair follicle drug test.
Aniya, patunay ito na sinasabuhay ni vp sara ang leadership by example at siya ay talagang nakikinig sa taumbayan.
Ang sunod namang tanong ni Roque, sino naman kaya ang sasama kay VP Sara para magpadrug test din?!
Suportado ni VP Inday ang nasabing panukala na aniya ay nararapat lamang para masigurado na nasa tamang pag-iisip ang lahat ng mga opisyal ng gobyerno kasama siya.
“Yes of course. Unang-una dapat panigurado nating lahat na nasa tamang pag-iisip ‘yung ating mga public officials, kasama na ako doon.”