National News
VP Sara, ibinunyag ang katiwaliang ginawa ng ex-DepEd official
Ibinunyag ni Vice President Sara Duterte ang mga katiwaliang pinaggagagawa ni dating Education Undersecretary Gloria Jumamil Mercado na naging dahilan para sibakin ito sa puwesto.
Sa pagdinig ng House Committtee on Good Government and Public Accountability kaugnay sa budget utilization ng Department of Education, humarap si Mercado.
Naitalaga bilang head ng human resources si Mercado noong August 2022 at nabigyan ng concurrent position bilang head ng procurement department noong February 2022.
Sabi ni Mercado, tumanggap daw siya ng limang sobre na naglalaman ng tig-P50,000 noong 2023 na aniya ay nagmula daw kay Vice Duterte noong kalihim pa ito ng DepEd.
Pero ang akusasyon ni Mercado sinagot ni VP Sara, “Dapat siguro kung mag-akusa siya na ganiyan, dapat may papel siya. Tulad ng ako kapag inaakusahan ako, binibigay ko yung papel.”
Ayon kay VP Sara, isang ‘disgruntled employee’ o kawani na dismayado’t puno ng reklamo lamang si Mercado na kalauna’y sinibak sa pwesto.
Taliwas iyan sa sinabi ni Mercado sa pagdinig ng komite sa Kamara na pinag-resign siya ng chief-of-staff ng bise na si USec. Zuleika Lopez.
Saad naman ng pangalawang pangulo, “She was let go because of lost of trust and confidence sa office of the secretary.”
Ayon kay VP Sara, naka-strike 2 sa kaniya si Mercado dahil sa mga katiwalang kinasangkutan nito. Una na rito ang pag-solicit ni Mercado ng P16 milyon sa isang kompanya.
“Ang una niyang ginawa nag-solicit siya ng P16 million sa isang kompanya on paper using my name without any authorization from the Department of Education.”
Bilang pruweba, inilabas ng OVP ang solicitation letter ni Mercado kung saan naka-attach pa ang pagkakagastusan ng hinihingi nitong P16 milyon.
Isang guro naman sa Cebu ang nagsumbong kay VP Sara na may isang ‘teacher item’ ang wala sa kahit saanmang paaralan sa lalawigan.
Napag-alaman ng bise ni kinuha pala ito ni Mercado at ginawa niyang kaniyang executive assistant.
“Noong bumalik ako sa central office, tinanong ko totoo ba na mayroon tayong teacher item na galing sa Region 7 na nandito sa atin?
“Totoo daw. Nasa HR.
“HR pa mismo ang gumawa ng parang injustice sa teachers namin sa field. So, on that second point hindi ko na pinalampas.”
Pagkatapos na masibak sa pwesto sa DepEd, lumipat sa Senado si Mercado. Doon sinimulan niya nang siraan ang ilang opisyal ng kagawaran.
Para sa pangalawang pangulo, hindi lang matanggap ni Mercado na kagagawan din mismo nito ang lahat kaya’t tinanggal siya sa DepEd.