National News
VP Sara, muling nanindigan na ‘politically motivated’ ang mga pagdinig sa Kamara vs OVP budget
Muling binigyang-diin ni Vice President Sara Duterte na ‘politically motivated’ ang nagpapatuloy na pagdinig sa Kamara ukol sa paggamit ng pondo ng Office of the Vice President (OVP).
“The hearings in the House of the Representatives are politically motivated,” saad ni VP Sara.
Aniya, nagsimula ang lahat ng magkita noong nakaraang taon ang mga miyembro ng Makabayan Bloc at si House Speaker Martin Romualdez.
At mula noon aniya ay inaatake na ang pondo ng OVP partikular na ang confidential funds.
Matatandaan na ipinaubaya na ng bise sa Kamara ang magiging pondo nila sa taong 2025.
Dahil dito aniya ay nagkaroon ng pagdining ang House Committee on Good Government and Public Accountability na ayon sa bise ay hinahanapan lang siya ng mali para ma-impeach.
“Ang problema sa kanila kasi wala talaga silang makita na evidence of wrongdoing.
“That is why pinipilit talaga nila na maghanap ng katiwalian kumbaga diyan sa mga hearings nila na hanggang ngayon hindi pa rin nila kinukuha, sinisira lang nila ng sinisira ‘yung institusyon, ‘yung integrity ng dignity ng institusyon ng Office of the Vice President.”
Pero ang ikinasama ng loob ni Vice President Duterte ay ang pandadamay ng ilang kongresista sa mga empleyado ng kaniyang tanggapan.
“Mga ordinary employees lang ito sila. I mean sa akin wala naman akong problema kung sirain ninyo ang pangalan ko.”
“Ang problema ko at yung ikinasasama ng loob ko ay nadadamay yung mga tao wala namang ginawa kundi ang magtrabaho lang doon sa Office of the Vice President.”
Kaugnay nga niyan, ay nabanggit ng bise ang pangalan ni Liza Marcos, “It’s politically motivated kasi hindi ko alam kung anong ikinagalit ni Liza Marcos sa akin.”
Muli namang naitanong sa bise kung may plano na ba siya sa 2028 Presidential elections.
“December 2026 would be the best time kung tatakbo ako sa 2028,” aniya.
Pero kamakailan lang ay may payo ang kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte na umalis na ito sa politika.
Ito ang naging sagot ng bise, “Darating din tayo doon na hindi na ako sasali sa politics.
“Ang problema ko is that I need to answer 32.2 million Filipinos who gave their trust and confidence for me to become the Vice President of everyone.
“Ang buhay kasi natin, hindi natin alam kung anong mangyayari bukas. You can only plan but it is always God’s purpose shall prevail.”
Kaugnay naman sa 2025 midterm elections, may paalala naman si Vice President Duterte sa mga botante laban sa mga party-list na nasa ilalim ng Makabayan bloc lalo na ang ACT Teachers.
“Sa mga botante pag-isipan niyo kung susuportahan ninyo ang ACT Party-list. Kasi kahit na convicted na sa child abuse ‘yung kanilang nominee ay hindi pa rin nila pinapalitan.”
“Hindi tama na isang grupo, na isang party-list ng mga teachers ang kanilang nominee ay isang taong convicted with the crime of child abuse.”
Sa iba namang Makabayan bloc na party-lists, ilang beses na inulit-ulit ng NTF-ELCAC kung ano koneksyon nila sa CPP-NPA-NDF.
Sa ngayon, ay walang pang iniendorso ang bise para sa pagkasenador.
Samantala, may pahayag naman si Vice President Sara kaunay sa pagsuko ng spiritual leader ng The Kingdom of Jesus Christ na si Pastor Apollo C. Quiboloy.
“It’s a good thing na he decided to surrender so that mas mapadali ‘yung pag-hearing ng cases niya and I understand he is fully cooperating with the courts and sana ay matapos na and ma-resolve na ‘yung kanyang mga kaso.
Kung meron man siyang kailangang panagutan, then panagutan niya. Kung inosente man siya, then mapalaya na siya.”
