National News
VP Sara, nagbigay ng mensahe sa mga Pilipino ngayong Semana Santa
Sa gitna ng pagninilay ngayong Semana Santa, isang makabuluhang mensahe ng pag-asa ang ipinaabot ni Vice President Sara Duterte sa sambayanang Pilipino.
Nanawagan siya ng mas matatag na pananampalataya at pagkakaisa, lalong-lalo na sa harap ng mga pagsubok na kinahaharap ng bansa.
Ayon sa kanya, ang panahon ng Kuwaresma ay hindi lamang pag-alala sa sakripisyo ni Hesus kundi paanyaya rin sa pagbabalik-loob, pagmamalasakit, at pagbubuklod ng bawat isa.
Sa gitna ng pagkakawatak-watak ng lipunan at mga krisis na bumabalot sa bayan, pinaalalahanan ni VP Sara ang lahat na ang pag-ibig ni Hesus ang dapat magsilbing gabay at lakas.
Sa kabila ng panghihina ng loob, galit, at kawalan ng pag-asa, hinikayat niya ang mga Pilipino na manalig, magkaisa, at maniwalang malalampasan natin ang dilim.
