National News
VP Sara, naghain ng counter-affidavit sa reklamong grave threats at sedition
Iginiit ni Vice President Sara Duterte sa kanyang counter-affidavit ang mga matibay na dahilan kung bakit nararapat nang ibasura ang mga kasong grave threats at inciting to sedition na isinampa laban sa kanya.
Kaugnay ito ng umano’y pagbabanta kina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez.
Kasama ang kanyang mga abogado, personal na nagtungo si Vice President Sara Duterte sa tanggapan ng Department of Justice (DOJ) nitong Biyernes, Mayo 9.
Buong kumpiyansang humarap si VP Sara sa preliminary investigation kaugnay ng mga reklamong inciting to sedition at grave threats na isinampa ng National Bureau of Investigation (NBI) laban sa kanya.
Ang mga reklamong ito ay nag-ugat sa umano’y pagbabanta niya sa tatlong pinakamataas na opisyal ng pamahalaan: sina Pangulong Bongbong Marcos, First Lady Liza Araneta-Marcos, at Speaker Martin Romualdez.
Ayon sa Legal Counsel ni VP Sara na si Atty. Paul Lim, “Siya ay nagsubmit ng kaniyang counter affidavit na naglalahad ng kaniyang mga dahilan kung bakit dapat hindi na ipagpatuloy at ibasura na lamang ang mga paratang o reklamo laban sa kaniya.”
Saad naman ni Atty. Michael Poa, “Consistent naman po ang ating vice president na sinasabi noon na haharapin naman talaga niya sa mga tamang venue ang mga binabatong mga accusations laban sa kaniya, which is ginawa niya today.”
Una nang tiniyak ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla ang due process para kay VP Sara.
Dagdag pa ni Poa, “Well, we expect due process. That is the minimum. We expect due process not just for the vice president pero kahit sinuman lang na dumadaan sa preliminary investigation sa DOJ. We can only expect due process.”
Sa kabila ng mga alegasyon, buo ang paniniwala ng kampo ni VP Sara na mananaig ang hustisya at mabibigyang-diin ang tunay na layunin ng mga reklamong isinampa laban sa kanya.
Nakatakda ang susunod na preliminary investigation sa May 16.
