National News
VP Sara, sinagot ang umano’y pagiging “bratinella”
Nagpaliwanag na si Vice President Sara Duterte patungkol sa mga nangyari sa budget hearing noong Agosto 27, 2024 para sa 2025 proposed budget ng Office of the Vice President (OVP).
Partikular na dito ang isyu nang hindi niya pagsagot sa mga tanong ng ilang miyembro ng House of Representatives.
May mga nagsasabi na nag-asal ‘bratinella” si VP Sara doon sa budget hearing dahil hindi ito sana’y na matanong.
Bilang tugon nga dito ay sinabi ng pangalawang pangulo na sanay siyang sumagot sa mga tanong kaya nga nagpapaunlak siya sa mga interview.
Alam din aniya ng taumbayan na hindi siya isang spoiled brat. “Alam ng taumbayan na hindi ako ‘bratinella’ o spoiled brat dahil kilala nila ako simula noong ako ay nasa Davao pa. Simula ng ako ay mayor pa hanggang naging vice president ako.
Kilala ako ng taumbayan na hindi ko inaabuso ang aking power and ang aking authority sa lahat ng mga opisina na nahawakan ko. Testigo ko ang buong bayan na hindi ako isang spoiled brat.
In fact, noong ako ay lumalaki, ang mga kaibigan ko, hindi naman sila galing sa political na pamilya, sa mga mayayaman na pamilya, sa mga powerful na pamilya.
Sila ay mga ordinaryong tao lamang at ‘yun ang kinalakihan ko.”
Paliwanag pa ni VP Sara, “Hindi sanay ‘yung mga iilan na mga representatives natin na sinasagot sila sa kanilang mga patutsada. Kaya sa tingin ko, isa din itong -parang atake din nila- na parang, ‘oh, bratinella ‘yan’ kahit na sumagot naman ako. Hindi nga lang sa gusto nila.”
Naniniwala naman ang pangalawang pangulo na may kapangyarihan ang Kongreso na busisiin ang budget ng bawat ahensya ng gobyerno alinsunod sa saligang batas.
Iyon nga lang aniya ay pinili niyang hindi sumagot sa question and answer portion sa budget hearing ng Kamara at desisyon na ng mga mambabatas kung ano ang gagawin nila sa budget ng OVP.
Nilinaw naman ng pangalawang pangulo na karapatan ng taumbayan na malaman kung saan mapupunta at gagamitin ang pondo ng OVP para sa 2025.
Aniya, “Yes, napakahalaga sa akin na malaman ng taumbayan ang Office of the Vice President budget proposal kaya nga bago kami pumunta sa Senate, bago kami pumunta sa House ay pinublish namin ‘yung budget proposal namin sa aming website sa Office of the Vice President, sa social media platforms namin.
Ginawa namin siyang madaling intindihin ng taumbayan kung saan papunta ‘yung budget proposal ng Office of the Vice President.”
Mula dito ay binigyang-diin na ng pangalawang pangulo na ginagamit lamang ang budget hearing para siya ay atakehin.