National News
“Young guns” na pinagbibitiw si VP Sara, gusto lang magpakilala ─ Panelo
Walang ibang motibo ang tinaguriang “young guns” sa Kamara kundi ang gumawa ng pangalan sa gitna ng panawagan nilang magbitiw sa pwesto si Vice President Sara Duterte.
Ito ay ayon kay Atty. Salvador Panelo, ang former Chief Presidential Legal Counsel.
“Iyan ang mga “young unknown”.”
Sa ilang pulong balitaan kamakailan, hinimok ni AKO-Bicol Partylist Rep. Raul Angelo Bongalon ang pangalawang pangulo na magbitiw na lamang daw ito sa pwesto kung hindi rin daw ito interesado sa kanyang tungkulin.
Ang pahayag na ito ni Bongalon, ay kasunod sa hindi pagdalo ni VP Sara at ng iba pang opisyal ng Office of the Vice President (OVP) sa budget hearing ng tanggapan para sa susunod na taon.
Ayon kay Panelo, ang hakbang na ito ng mambabatas ay para lamang makilala ng publiko dahil malapit na naman ang eleksyon.
“Naghahanap sila ng plata porma na makilala sila.
“Hindi mo kakila-kilala yang mga iyan. Mga bagong mukha, mga bagong salta sa Kongreso na kaya makikita ang mga pahayag nila puro dispalinghado.”
Samantala, sang-ayon naman si Panelo sa puna ng ilang netizen na sa halip na pag-initan ang budget ng OVP ay bakit hindi na lamang daw imbestigahan nga mga mambabatas ang mga importanteng isyu na kinakaharap ng bansa.
“Meron pa silang dapat imbestigahan yung pagbebenta ng gold reserves.
“‘Yun ang magandang imbestigahan. Yung mga ginagawa nilang paninira, paglalarawan, sinungaling. Ewan ko ba. ‘yun ang dapat.
“Iyan ang mga tunay na dapat imbestigahan. Bakit nagbenta. Paano ang kalakaran. Saan pupunta ‘yun ang mga magandang imbestigahan.”