Connect with us

Sec. Juan Ponce Enrile, pinaboran ang mga desisyon ni PBBM sa kanyang unang 2 linggo bilang pangulo

Pres’l legal counsel Enrile, pinaboran ang mga desisyon ni PBBM sa kanyang unang 2 lingo bilang pangulo

National News

Sec. Juan Ponce Enrile, pinaboran ang mga desisyon ni PBBM sa kanyang unang 2 linggo bilang pangulo

Pabor si dating Senate president at ngayon ay Presidential Legal Counsel Sec. Juan Ponce Enrile sa mga ginagawang desisyon ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa kanyang unang dalawang linggo bilang pangulo ng bansa.

Ito ay kaugnay sa desisyon ng pangulo hinggil sa pag-veto sa Bulacan economic zone, panukalang pag-right size sa mga ahensya ng gobyerno at pagbubuwis sa mga online services.

Paliwanag ni Enrile, maraming advisers ang pangulo na tumutulong sa kanyang mga desisyon sa mga usapin sa bansa.

“Alam mo, ang presidente marami siyang advisers eh. Bawat member ng gabinete, adviser niya ‘yan. At iba-iba ang paninindigan nila sa problema ng bansa pero lahat  ‘yan dadating sa kanya kaya sinasabi na the back starts here, dito tumitigil ang problema.

Iisipin niya ‘yan, tinitimbang niya kung anong dapat gawin pero lahat ng desisyon niya sa aking paningin magmula noong umupo siya, tama naman, sarili niya ‘yun,” ani Enrile.

Partikular na tinukoy ni Enrile ang pag-veto ni PBBM sa panukalang pagtatayo ng economic zone sa lalawigan ng Bulacan malapit sa pagtatayuan ng Bulacan International Airport.

Giit ni Enrile, marami na ring economic zones sa mga lugar na malapit sa Bulacan kaya hindi na aniya kailangan ito.

“Bakit mo bibibgyan pa ‘yang lugar na ‘yan ng incentives para umakit ng mga investors para magkaroon ng trabaho diyan sa lugar na ‘yan. Samantala, napakalapit ng Maynila, maraming trabaho dito kaya siksikan dito sa Metro Manila na. Ang dapat bigyan ‘yung liblib ng Pilipinas,” dagdag pa nito.

Kabilang sa mga binanggit ni Enrile na mga lugar na may economic zone ang Pampanga, Subic, Bataan at Baguio City.

Kaugnay naman sa panukalang rightsizing sa mga ahensya ng gobyerno, sinabi ni Enrile na tama lang ito para makatipid aniya ang gobyerno ng pampasahod sa mga empleyadong hindi naman produktibo sa kanilang ginagawa.

“Tama ‘yun. Kargado, nadu-duplicate ang mga tao na sa kalidad at klase ng trabaho nila. Kaya, anong ibig sabihin diyan? Na nababalewala ‘yung pera na ginugugol sa serbisyo nila.

Marami, maraming wastage sa budget ng gobyerno. Dapat linisin para sa ganoon, gumaan naman ang pinapasan na buwis ng taong bayan.

Sapagkat lahat ng pera na ginagamit ng gobyerno na pangsweldo sa sinuman na magsu-sweldo sa gobyerno ay nanggagaling sa bulsa; bulsa mo Admar, bulsa ko, bulsa ninyong lahat,” giit pa ng presidential legal counsel.

Hinggil naman sa panukalang pagbubuwis sa online services, sinabi ni Enrile na tama lang ito dahil marami aniyang mga serbisyo sa online ang hindi nagbibigay ng resibo kaya hindi nakatitiyak kung ang mga ito ay nagbabayad ng buwis.

More in National News

Latest News

To Top