Connect with us

LTFRB, agad mamamahagi ng subsidiya kapag natanggap na ang resolusyon mula COMELEC

LTFRB, agad mamamahagi ng subsidiya kapag natanggap na ang resolusyon mula COMELEC

National News

LTFRB, agad mamamahagi ng subsidiya kapag natanggap na ang resolusyon mula COMELEC

Inanunsyo kahapon, Abril 6 ng Commission on Elections (COMELEC) na lusot na ang petisyon ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) na humihiling ng exemption sa election spending ban ng poll body ngayong campaign period.

Ibig sabihin maaari nang ipagpatuloy ng LTFRB ang pamamahagi ng subsidiya sa langis na pansamantalang nahinto noong Marso 25 dahil sa ban.

Ang desisyong ito ng poll body ay pinasalamatan naman ng LTFRB at ng transport sector.

“Sa desisyon po na ito ay panalong panalo po ang ating mga stakeholders, operators and drivers dahil hanggang sa ngayon naman ay hindi pa bumababa sa normal yong ating fuel prices,” pahayag ni Maria Kristian Cassion, Executive Director ng LTFRB.

Ikinalugod naman ng isang transport group ang naging desisyon ng COMELEC.

“Kami nagpapasalamat sa natin at natapos na rin yong problemang iniinda ng ating mga katsuperan pagkat malaking bagay na po itong fuel subsidy,” ani Ka Obet ng Pasang Masda.

Maging ang mga senador na katulad nila Senator Ping Lacson at Senator Grace Poe masaya sa naging desisyon ng COMELEC.

Matatandaan na una na nilang pinalagan ang election ban sa mga social services ng pamahalaan.

“Way to go and kudos to the Commission on Elections for acting expeditiously on such a no-brainer issue involving the fuel subsidy grant under the Special Provision under the Department of Transportation’s 2022 budget,” ani Lacson.

“The order to allow the resumption of fuel subsidy distribution to public utility vehicle (PUV) drivers and operators is a timely response by the Commission on Elections,” saad naman ni Senator Poe.

Ayon sa LTFRB, naghihintay sila ngayon ng resolusyon mula sa COMELEC para tiyak na maipagpapatuloy ang programa.

Bago ang election ban ay nasa 40% pa lamang ang nakatanggap ng subsidiya sa hanay ng mga benepisyaryo ng LTFRB.

Ito ay mga nasa bus, taxi, TNVS, at UV Express.

Ayon sa LTFRB, kailangan din nila ang resolusyon para makasagot sa hinihinging kondisyon ng poll body.

“Ang concern lang namin ay officially ay wala pa pong natatanggap yong LTFRB na desisyon. So ang mga sinabi po na mga kondisyon ay nabalitaan lang po namin sa media, pero kailangan po kasi namin ang actual na kopya po talaga, so we can respond accordingly,” ayon kay Cassion.

Ayon sa COMELEC, kailangan makapagsumite ang LTFRB ng konkreto at malinaw na implementasyon para sa programa bilang bahagi ng kanilang kondisyon sa pag-apruba sa petisyon.

Ayon naman sa LTFRB, nakapagsumite na sila sa COMELEC ng mga dokumento ng mag-aplay sila para sa exemption.

“Nakapag-submit na po tayo noong mga hinihingi po nila, yong implementation, timeline po natin, mga list ng mga beneficiary natin and how we will proceed with the implementation. Dahil balita lang po sa media  ang natanggap namin, we cannot really act according kung ano ba talaga ang hinihingi nila dahil sa tingin po namin lahat naman po ng hinihingi nila ay naisumite na namin,” pahayag ni Cassion.

Ang COMELEC Resolution ay siyang hinihintay din ng Land Bank bago ito makapag-transfer ng pondo sa mga cash card tulad ng GCash at PayMaya para makaiwas sa pananagutan sa COA.

At habang wala pa ang resolusyon ay nakikipagnegosasyon na lang muna ang LTFRB sa Land Bank.

“Nakikipag-negotiate muna tayo sa Land Bank po na kung pwede tanggapin muna nila yong authority to debt advice natin. Dito po kasi, yong listahan, na doon po icrecredit kung anong mga account, pending po yong official copy (ng resolution) kasi hinihingi po ni Land Bank yon,” ani Cassion.

Matatandaan na para sa unang tranch para sa pamamahagi ng fuel subsidy ay 2.5B ang inilaan ng pamahalaan.

Sa ngayon ang hindi pa nakatanggap ay sabik nang makakuha ng subsidy lalo pa’t malaking bagay aniya ito ngayong may oil price hike.

Sa fuel subsidy ng pamahalaan, ang bawat benepisyaryo ay maaring makatanggap ng mahigit na anim na libong piso.

Apela nila, pagkatapos ng desisyon ng COMELEC ay agad silang mabigyan ng subsidiya.

Sa mga nakatanggap na mula sa grupong Pasang Masda bago pa ang ban, sinabi ni Ka Obet, malayo ang mararating ng subsidiya.

“Ang sinusubsidize lamang ng ating pamahalaan, yon pong sobra sa talagang regular na konsumo nila. Hindi po yong the whole day consumption. Halimbawa, ang ating driver ng jeepney, ang regular consumption niya ay 800 a day, pero dahil sa pagtataas ng presyo ng petroleum product inabot siya ng 1000. Yong 200 pesos lamang po yong sinusubsidize. Kaya itong 6,500 na ito, malaki rin ang mararating nito,” dagdag pa nito.

More in National News

Latest News

To Top